Pinagpala
Bilang isang tipikal na estudyante, kung bibigyan ko ng depinisyon ang pinagpala ay ito ang biyayang aking natanggap at natatanggap sa araw-araw. Masasabi ko na isa akong pinagpala sapagkat wala pa ako sa mundong ibabaw ay sabik na ang pamilya kong masilayan ko ang mundo. Mayroon akong buo at masayang pamilya noong nagkamuwang ako kahit kinuha sa amin ng maaga ang aming haligi ng tahanan ay masasabi ko na pinagpala pa rin ako sapagkat may ala-ala pa ring nakaimbak sa isip at puso namin kasama sya. Mga masasayang ala-ala na babaunin ko saan man ako magtungo. Para sa akin, pinagpala pa rin ako sa kabila ng pagkawala ng maaga ng aming haligi ng tahanan sapagkat naranasan ko pa rin ang pagmamahal at aruga ng isang ama, di-gaya ng ibang tao na pinagkaitang maranasan ang pagmamahal at aruga ng isang ama.
Isa pang dahilan kung bakit ako pinagpala ay dahil nakakakain ako tatlong beses sa isang araw ng hindi na pinoproblema pa. May sariling tahanan na matitirahan at mauuwian na ipinagkait sa ibang tao na walang sariling tirahan na matutuluyan at sa lansangan lamang naninirahan, walang maayos na natutulugan at walang kasiguraduhan sa kanilang pang araw-araw. Isa ito sa mga ipinagpapasalamat ko sapagkat hindi ko naranasan ang ganoong pamumuhay.
Ganon pa man sabi nga ilan, hindi kasalanan ng isang tao na isinilang silang mahirap, ang kasalanan mo ay ang lumaki o mamamatay kang mahirap dahil ibig sabihin nito ay wala kang ginawa upang makaahon sa iyong pagkahirap. Ngunit may mga pagkakataon na naiisip mo na mahirap umahon mula sa pagkakalugmok sapagkat hindi mo alam kung saan ka magsisimula para makaahon sa pagkalugmok mo. Kung may bulok na sistema ang pamahalaan na lalong inilulugmok ang mamamayan dahilan upang mahirapang umahon pang muli.
Ngunit kahit na ganon, magpasalamat pa rin tayo sa mga ibinibigay na panibagong umaga sa atin ng panginoon dahil ang bawat araw na nasisilayan natin ang pagsikat ng araw ay isa ng malaking pagpapala na ipinagkaloob sa atin ng ating panginoon. May mga taong gusto pang masilayan ang maingay, magulo ngunit makulay pa ring mundo subalit hindi na nagising pa, kaya naman sa bawat pagkakataong ipinapahiram sa atin ang buhay ng panginoon ay magpasalamat tayo dahil kahit na napaka ingay ng mundo nagagawa pa rin nating abutin at maging masaya sa tulong ng mga mahal natin sa buhay.
Lahat tayo ay pinagpala kaya naman ang mga pagpapalang ito ay gamitin natin sa tama at makabuluhang bagay, hindi porket mahirap ka ngayon, mahirap ka pa rin sa huli. Hindi porket nasasaktan tayo ngayon sa mga nangyayari ay lagi tayong masasaktan. May mga pagkakataon na kaya natin nararanasan ang ganitong bagay ay para makita natin sa sarili natin ang mga bagay na kailangan nating baguhin upang mas maging better. At doon masasabi kong pinagpala tayo sapagkat naranasan natin ang hirap, lungkot, galit at sakit dahil ang mga karanasang ito ang magtuturo sa atin kung paano labanan ang ganitong mga pasakit at upang hindi na muling mangyari ang mga pagkakamali sa nakaraan. Kaya naman ipagpasalamat pa rin natin ito sapagkat naranasan natin ang mga ito.
Ikaw, saan ka pinagpala?
.png)
Comments
Post a Comment