Maikling Kwento

Hanggang sa muli 

Larawan mula sa Pinterest
    

        Ilang taon na ba ang nakalipas simula ng abandonahin ng aming haligi ng tahanan ang aming puso at isipan? Ilang taon na ba ang nakalipas ng naramdaman ko ang pagmamahal at aruga  ng isang ama? Gustohin ko mang muli kang masilayan ay hindi na maaari at hindi na pwede pa. Maaari ko bang balikan ang nakaraan? Gusto ko lang naman sanang muling maramdaman ang pakiramdam  ng inaalagaan at ituring na isang prinsesa sa munting palasyong kayo ang nagtayo. At sa palasyong ito nakatira ang isang bunsong batang babae at ang apat nitong kapatid na handa siyang alagaan at protektahan sa mga nang-aapi dito. Ang hari at reyna sa palasyong ito ay walang ginawa kundi ibaon sa isipan ng kanilang mga anak ang pagmamahal sa isa’t isa maging ang pagbibigay ng tulong na walang inaasahang kapalit. Kaya naman lumaki ang munting prinsesa na isang mabuti, matulungin at mapagmahal na anak  sa kanilang magulang.

         Mestiza, Dariling, mga katagang kay sarap sa pandinig sa tuwing tinatawag ninyo ang isa’t isa sa umaga ang bumubungad sa pandinig ko. O, kay sarap sa pakiramdam bilang isang anak ninyo na masaksihan ang inyong pagmamahal na walang halong kemikal. At sa aking pamumuhay kasama kayo bilang isang musmos wala akong naalalang kayo ay nag away kahit isang beses sapagkat ang pinakatumatak sa aking puso’t isipan ay ang inyong lambingan at ang pagsasamang  walang makakapantay. Sa mga panahong ito, dito ko naranasan at naramdaman ang pagmamahal ng isang ama.

 Dati-rat’y ikaw ang lagi kong kasama, hinahatid at sinusundo mo pa ako sa eskwelahan upang makasigurado ka lang na ligtas ako. Kapag nagugutom ako, isang kalabit ko lamang sayo paghahandaan mo agad ako ng pagkain. Kapag naman nakatutulugan ko ang panonood sa telebisyon magigising na lamang ako na nasa kwarto na pagsamit ng umaga. Kaya naman dito ko umpisang pinaniwalaang may magic ngunit nalaman kong binuhat mo lang pala ako.

Isang araw naimbitahan kaming dumalo sa isang kaarawan ng isa sa mga pinsan ko at dahil alam kong nasa trabaho ka alam ko na hindi ka makakasama subalit dahil isa iyong espesyal na araw sa pamilya natin ay hindi ko inaasahan na kanina mo pa pala kami inaabangan at inaantay na makarating. At nang makita mo akong bababa na sa sasakyan dali-dali kang tumakbo sa akin at ganon din ako at sinalubong kita ng isang mahigpit na yakap.  

    Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkasakit ka, nagpabalik-balik sa ospital nagbabakasakaling tuluyan ka nang gumaling, ngunit hindi, hindi ka na nakakapagsalita at nakahiga ka na lamang. Isang hapon, tumawag ang aking ina sa kapatid ko at sinabing “papuntahin si Yhaga dito at hinahanap ng kayang tatay ipapaki-usap nalang sa guard para papasukin” hinatid ako sakay ng tricycle at kitang-kita ko pa sa mga mata ng aking ina ang pagmamakaawa sa gwardya makapasok lamang ako sa loob ng ospital. “hindi po maaaring magtagal sa loob ang bata kaya bilisan na lang po” ani ng gwardya nang tuluyan na kaming payagang papasukin ako sa loob upang masilayan ako ng aking tatay. “maraming maraming salamat po” ani ng aking ina. At tuluyan na niya akong hinila sa kung nasaan ang aking ama. At sa sandalling masilayan ko ang kalagayan ng aking ama, hinawakan ko ang kamay niya at niyakap ng napakahigpit. Bilang isang anak nasasaktan ako sa kalagayan niya, gustong-gusto mo nang umiyak pero walang lumalandas na tubig sa aking pisngi. Dahil sa maiksing oras na binigay sa amin ng gwardya kinakailangan ko nang iwan ang aking tatay kaya naman sa huling pagkakataon ay niyakap ko sya.

      Pagsapit ng umaga habang ako’y natutulog, ginising ako ng ate ko at sinabing “Yhaga, wala na ang itay” masakit, masakit na balita ang sumalubong sa akin. Kung alam kong hinintay mo lang pala ako bago ka mawala ay di sana di na ako pumunta para hindi ka agad nawala samin at patuloy mo akong intayin.

      Masakit at mahirap para sa akin ngunit higit sa lahat mas mahirap sa aking ina dahil siya ang naging katuwang nito sa paghahanapbuhay. At dito na nagbago ang aming pamumuhay. Wala ka ng maririnig na tatawag ng Mestiza sa aking ina at wala na ring Darling na tatawagin ang aking ina sa umaga na gumigising sa aking natutulog na diwa. Wala ng tatay na sasamahan ako lagi, wala ng maghahatid at susundo sakin, wala na akong kakalabitin sa tuwing nagugutom ako at wala ng bubuhat sa akin sa tuwing nakakatulugan ko ang panonood sa telebisyon.  

At sa pagkawala ng haligi ng tahanan, ang ilaw ng tahanan ang naging haligi at muling itinayo ang nagibang tahanan. Lumaki na ang batang babae, tumanda na minsang naging prinsesa. Nagkaisip at naging malawak na ang pananaw niya sa mundo kung saan ang lahat ng mga pangyayaring sa kanyang paligid ay naiintindihan na niya. Hindi na siya naniniwala sa mga magic na karaniwang pinaniniwalaan ng mga bata.

      Naging maiksi man ang panahong naranasan nang noo’y batang babae ang pakiramdam ng alaga at pagmamahal ng isang ama ay pinupunan naman ito  ng kaniyang ina at mga kapatid. Naging mahirap man ang mga pagbabagong naganap saakin ay patuloy pa rin lumalaban at nagpapatuloy hindi lamang para saakin, kundi para na rin sa aking pamilya. Saksi ang aking unan sa gabi-gabing pangungulila ko sa aking ama at sapat na ang hikbi upang mailabas ko ang aking pangungulila at salamat sa mga unan kong naging kasangga ko na sa tuwing namimiss ko siya.

      Ano man ang mga pangyayaring naganap sa buhay  ng minsang naging munting prinsesa sa munting kaharian ay nagpapatuloy pa rin ito sa pag abot ng kaniyang pangarap at hindi man ito bumalik sa dati na kagaya noong bata pa siya ay alam niya at itinatak na lamang sa kaniyang isipan na kaya niya nararanasan ang lahat ng mga pagsubok na kaniyang naranasan at pinagdaanan ay dahil alam ng nasa taas na malalampasan niya ito at kaya niya. 

Comments

Popular posts from this blog

Mga Ibong Mandaragit Ni: Amado V. Hernandez