Tulay

Larawan mula sa RMN Networks

    May mag-asawang nagngangalang Charlotte at William ang naninirahan sa bayan ng Tayabas. Si Charlotte ay isang arkitekto na nagdadalang tao sa magiging unang supling nila ng kaniyang asawa samantalang si William ay isang inhenyero. May pagiging perpektoista si Charlotte kaya naman gusto niyang lahat ay perpekto. Naging sunod-sunuran si William sa kaniyang asawa kaya naman lahat ng desisyon nito ay sinusunod nito labag man sa kalooban niya.

    Kinaumagahan, dali-daling kinuha ni William ang kanilang sasakyan upang dalhin si Charlotte sa ospital dahil ito ay manganganak na. Nang makarating sa ospital ang mag-asawa ay dali-dali itong inasikaso ng mga nurse. Makalipas ang tatlong oras ay tuluyan ng iniluwal ni Charlotte ang supling na kanyang dinadala. Habol hininga at pagod na pagod niyang sinisilip ang kaniyang anak. Nang makita niya ang saggol ay hindi niya iyon nagustuhan sapagkat ang isinilang niyang sanggol ay hindi karaniwan ang mukha sa nakararami. Mayroon itong depekto sa mukha. Kaya naman tinanong nila sa doktor kung bakit naging ganon ang sanggol na kaniyang isinilang "hindi po naging maayos ang pag debelop ng sanggol sa iyong sinapupunan noong ito'y pinagbubuntis mo pa lang".

    Dahil sa pagiging perpektoista ni Charlotte, ang pagkakaroon ng isang anak na may depekto sa mukha ay hindi katanggap-tanggap para sa kaniya. Kaya naman noong pauwi na sila galing sa ospital ay napagkasunduan ng dalawang mag asawa na kitilin ang buhay ng sanggol.
    Dapithapon na nang may nadaanan silang tulay at dito nila napagpasyahang ihulog ang walang kamuwang muwang na sanggol. Tumingin muna ang mag-asawa sa kaliwa't kanan kung may tao subalit walang kahit na sino ang nadoon at tanging maririnig lamang ay ang malakas na agos ng tubig sa ilalim ng tulay, kaya naman pikit matang binitawan ni Charlotte ang sanggol at dahil may kataasan ito, siguradong anuman ang ihulog sa ilalim ng tulay ay malulunod. Matapos ihulog ang sanggol ay umalis ang mag asawa sa tulay na parang walang nangyari.

    Kahit konti ay hindi nakaramdam ng anumang pagsisisi ang mag-asawa sa kanilang ginawa sa sanggol, at ang totoo ay mas nakahinga sila ng maluwag dahil sa ginawa nila. Ang iniisip kasi nila ay magiging tampulan lamang ang sanggol ng tukso kung sakaling lumaki na ito dahil sa hitsura nito, at ayaw nila itong mangyari sa kanilang anak. Mas magiging madali para sa mag asawa sa mga magtatanong na mga kakilala nila na patay na ang sanggol noong isilang ito.

    Makalipas ang tatlong taon ay muling nanganak si Charlotte at sa pagkakataong ito ay maganda, maputi at malusog ang sanggol na kaniyang isinilang. Hindi na ito katulad noong dati niyang sinilang na sanggol na may depekto sa mukha. Kaya naman tuwang-tuwa ang mag-asawa sa bagong silang na sanggol. 
    Ang bata ay pinangalanan nilang Hailey. Pinuno nila ito ng pagmamahal at kahit minsan ay hindi nila ito pinapagalitan at kahit anong hilingin nito ay sinusunod at binibigay ng mag asawa. At dahil may taglay na katalinuhan ang bata ay ipinagmamayabang ito ng mag asawa sa mga kakilala nito. 

    Nang magdapithapon, napadaan ang mag-ina sa pamilyar na tulay. Bigla nalang napakapit ng mahigpit si hailey sa ina nito. Sa sobrang higpit ng pagkakakapit nito ay halos bumaon na ang kuko nito sa braso ng kaniyang ina. Dahil doon ay huminto muna si Charlotte sa paglalakad at hinarap ang kaniyang anak na wari'y takot na takot.

"Anong problema mahal?" malambing na tanong ni Charlotte sa anak na si Hailey.

pinagmasdan niya si Hailey. Bakas sa mukha nito ang labis na takot. Tila may nakikita ito sa ilalim ng tulay na ikinabahala ni Charlotte. 

Mabilis niya itong niyakap at mahina niyang tinapik-tapik ang likod ng anak, umaasang mawawala ang kung anumang takot ang namumutawi dito. 

"ano iyon, anak ko?" muling tanong ni Charlotte sa anak nito.

Nanginginig na ibinuka ni hailey ang bibig at sinabing "m-mama, natatakot a-ako mama, m-mahal na mahal po kita, mama".

 Napangiti si Charlotte sa sinabi ng kanyang anak "'wag kang matakot anak, andito lang si mama, di kita papabayaan mahal na mahal din kita anak."

"m-mahal n'yo po ako?" gulat na tanong ng bata

"oo naman anak, mahal ka ni mama : )"

"Kung ganon, hindi ninyo po ako ulit ihuhulog sa tulay?"


    

Comments

Popular posts from this blog

Mga Ibong Mandaragit Ni: Amado V. Hernandez